Daluhan agad ang sugat Huling bahagi

KAILAN dapat dalhin sa ospital ang sugat? Marami ka-sing sugat na kaya nang gamutin sa bahay at maaaring di na mangailangan pa ng pagpunta sa klinika o sa pagamutan. Lahat nang sugat ay puwedeng ipasuri sa doktor. Pero mas lalong nangangailangan ng medical attention kapag ang sugat ay malalim, mahaba, at malapad. Ganoon din ang mga sugat na matinding nagdurugo, hindi agad gumagaling, o nagpapakita na ng senyales ng impeksyon gaya ng pamamaga, pagnanana, at may kaakibat na lagnat. Huwag balewain ang anumang sugat sa katawan.      

Ano ang dapat gawin para hindi maimpeksiyon ang sugat?

Gawing regular ang paglilinis ng sugat hangga’t hindi ito gumagaling. Takpan ito ng malinis na gasa matapos linisin ng antiseptic at pahiran ng topical ointment. Iwasan ding palaging salatin ang sugat upang di maimpeksiyon. Huwag ding tungkabin muna ang langib hangga’t di pa ito talagang tuyo (baka kasi magdugo ulit ang sugat).  

Ano ang posibleng mangyari kung hindi nagamot ang sugat?

Mahalaga ang injection ng bakunang tetanus upang maiwasang mauwi sa tetano ang sugat. Lalong importante ito kung malalim o marumi ang naging sugat (gaya kung napako o kung nakatapak ng matutulis/matatalas na bagay). Kung inaakala ng marami na di nakamamatay ang sugat, nagkakamali tayo. Marami ng tao ang namatay sa tetano. Ang bakunang DPT Diphtheria-Pertussis-Tetanus) na ibinibigay sa mga sanggol ay proteksyon laban sa tetano. Kailangan din ng booster shot ng tetano habang nagkakaedad tayo. 

Anong dapat gawin kung tuluy-tuloy ang pagdurugo dulot ng pagkasugat?

Kung matindi at tuluy-tuloy ang pagdurugo, diinan ang naturang lugar na nagdurugo gamit ang isang malinis na tela o ng inyong mga daliri hanggang sa makarating sa ospital. Ang pagdiin o paglalagay ng direct pressure sa naturang lugar ay nakatutulong sa pagpapaampat ng pagdurugo.

 

Show comments