^

Punto Mo

Brotherhood o gangsterhood?

Pang-masa

NAPAKAGANDA ng depinisyon ng fraternity, ito’y samahan ng mga tao na may magkakatulad na propesyon o interests. Ito’y ang pagkaranas ng diwa ng pagkakaibigan at pagtutulungan sa pagitan ng mga miyembro ng samahan. Ang iba pang mga salitang ikinakabit sa fraternity ay brotherhood, fellowship, solidarity, community, union, togetherness.

Sino ang hindi magnanais mapabilang sa ganitong samahan? Ayon kay Maslow’s Hierarchy of Needs, ang pangangailangan na mapabilang o “the need to belong” ay mataas na panga-ngailangan ng tao. Siguradong ito ang nasa isip ng 22-anyos na UST law student na si Horacio Tomas “Atio” Castillo III nang siya’y pumasok sa Aegis Juris Fraternity. Pero kabaliktaran ang nangyari, si Atio ay namatay dahil sa bayolenteng “hazing” rites na pinagdaanan niya upang matanggap na miyembro ng naturang fraternity. Siya’y namatay sa mga kamay ng tinatawag niyang “brothers.”

Si Atio ay pang-31 sa mga naiulat na napatay dahil sa “hazing.” Tiyak na mas mataas pa ang aktuwal na bilang kaysa rito. Ang unang naiulat na namatay dahil sa hazing ay isang UP student, naganap noong 1954. Simula nang maipasa ang Anti-Hazing Law noong 1995, 15 kaso pa ng hazing deaths ang naiulat. Tila walang ngipin ang batas, kung kaya’t may mga hakbang na susugan kundi man tuluyang baguhin ang batas.  Sa kasalukuyang batas ay hindi “criminal act” ang hazing, kung kaya hindi ito ipinagbabawal. Ayon sa batas, ang “hazing” ay ang paglalagay sa isang aplikante o tinatawag na “neophyte” sa “some embarrassing or humiliating situations such as forcing him to do menial, silly, foolish and other similar tasks or activities or otherwise subjecting him to physical or psychological suffering or injury.”

Hindi ko sukat maisip kung bakit tinatawag na “brotherhood” ang fraternity kung sa simula pa lamang ay ipinapahiya na nila at pinarurusahan ang mga nagnanais maging miyembro nito. Kung makaka-survive sa violent hazing, hindi madaling gumaling ang physical scar, lalo naman ang mental o psychological scar. Itong huli ay maaari ngang hindi na gumaling, sapagkat paulit-ulit na maaalala at maaaring may malalim na epekto sa pagkatao ng biktima.

Napakaganda ng konsepto ng kapatiran. Ang ibig sabihin ng kapatid ay kaputol. Hindi ka kumpleto kung wala ang iyong kapatid. Kung wala, siya, patid ka. Ang tunay na diwa ng kapatiran ay naganap sa unang iglesyang naitatag. Ganito ang tala sa Mga Gawa 2:44-46, “Nagsama-sama ang lahat ng sumasampalataya at ang kanilang mga ari-arian ay itinuring na para sa lahat. Ipinagbili nila ang kanilang ari-arian at ang napagbilhan ay ipinamahagi sa bawat isa ayon sa kanyang pangangailangan. Araw-araw, sila’y nagtitipon sa Templo at nagpipira-piraso ng tinapay sa kanilang tahanan, na masaya at may malinis na kalooban.”

Ganito ang iniuutos ni Hesus na maging kaugnayan natin sa isa’t isa, ang magturingan tayong magkakapatid. Sabi Niya sa Mateo 23:8, “…Kayong lahat ay magkakapatid.” Kung walang intensyon ang  fraternities na simulan ang tunay na diwa ng kapatiran, huwag na nilang tawaging “brotherhood” ang kanilang samahan. Tawagin na lamang nilang “gangsterhood”.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with