Nakipag-‘eyeball’

PARANG wala sa lugar na sabihing dahil sa Facebook at text sa cell phone kaya marami ring babae ang nagagahasa o nabibiktima ng gang rape lalo na ang mga dalagita na nakipagkaibigan umano sa mga estranghero o hindi nila kakilala.

Kapag nga lang ganito ang katwiran, para na rin itong paninisi sa mga biktima kung bakit sila nakikipagkaibigan sa hindi nila gaanong kakilala sa internet gaya sa Facebook. Lumalabas na kasalanan din ng biktima kaya siya nagahasa.

Kung tutuusin, batay sa mga naglalabasang mga balita sa media, maraming dalagita ang napapagsamantalahan sa pakikipag-inuman sa kalalakihan o nilinlang at napasama sa umpukan ng nag-iinumang grupo ng kalalakihan hanggang sa makuha nila ang kanyang pagkababae. Ibig sabihin, kakilala na ng biktima ang mga suspek kaya nahikayat siyang sumama sa inuman. Hindi sila mga estranghero na nakilala lang ng biktima sa Facebook o sa text.

Pero totoo rin naman na may mga babae na napagsamantalahan ng mga lalaking nakilala nila sa Internet o text. Nauso nga iyong salitang “eyeball” kaugnay ng pakikipagkita nila sa lalaking sa internet lang nila nakilala.

Pero ano ang dapat gawin sa ganitong sitwasyon? Pagbawalan na lang ang mga dalagita na mag-Internet o magbukas ng kanilang Facebook account o gumamit ng cell phone?  Dapat ding isaalang-alang na hindi lahat nang panggagahasa ay kagagawan ng isang lalaki na nakikilala ng isang babae sa Facebook o sa YM o sa text.  Makitid na pananaw ito at nagtatatwa sa iba pang mga sitwasyon na nagtulak para mabiktima ng ganitong krimen ang isang babae.

Show comments