Sir Juan (113)

NAG-AAPOY na naman sa galit ang kalooban ni Nectar habang nakakubli at pinagmamasdan sina Sir Juan at Mahinhin nang pumasok sa gate. Nakahawak pa sa braso ni Sir Juan ang malanding si Mahinhin. Napakalandi talaga!

Sigurado si Nectar na sinundo ni Sir Juan si Mahinhin sa school nito. Kabisado ni Nectar ang schedule ni Mahinhin. Ngayong araw na ito ay hanggang alas-nuwebe ng gabi ang klase. Tiningnan ni Nectar ang relo niya: 9:30. Tama nga dahil halos kalahating oras ang patungo sa school. Siguro’y natakot si Mahinhin kaya nagpasundo kay Sir Juan.

Napailing-iling si Nectar. Palpak na naman ang plano niya para kay Mahinhin. Nasayang lamang ang binayad niya sa dalawang lalaki na inutusan niyang sundan at takutin si Mahinhin. Usapan nila, kailangang patayin sa nerbiyos si Mahinhin. Kapag natakot si Mahinhin baka magkasakit ito at hindi na makapag-aaral. At ang katapusan ay baka matigok na dahil sa sobrang nerbiyos o atake sa puso.

Ngayong sinusundo na ito ni Sir Juan, tiyak na hindi na maaaring bumuntot at manakot ang mga binayaran niya. Sayang ang binayad niya! Lahat na lamang ng paraan ay ginawa niya pero palpak! Ano kaya ang magandang gawin para matakot at mapalayas na sa boarding house na ito si Mahinhin.

Pinagmasdan ni Nectar sina Mahinhin at Sir Juan. Nakita niyang tumigil ang mga ito sa bahaging madilim na malapit sa gate. Bakit kaya? Takang-taka si Nectar.

Lingid kay Nectar, nakita pala siya ni Mahinhin at agad sinabi kay Sir Juan.

“Sir Juan, nakita tayo ni Nectar. Nakakubli siya sa pader.’’

“Ganun ba? Kailangang maghalikan tayo ngayon para makita niya. Inisin pa natin siya nang todo.’’

“Ngayon na tayo maghahalikan?’’

“Oo. Kailangang gawin na natin.’’

Agad na inilapit ni Sir Juan ang kanyang mukha kay Mahinhin. Hinanap niya ang maninipis na labi nito. Nakita agad niya.

Marahan niyang ni-lips-to-lips si Mahinhin. Pero nagtaka si Sir Juan dahil lumalaban si Mahinhin!

(Itutuloy)

Show comments