Sa araw ng mga patay

Sa pagsapit ngayon ng Araw ng Patay

puso kong ulila’y lalo pang nalumbay;

sa araw na ito ang tangi kong alay

taos na pag-ibig, kandila at dasal!

 

Tanging dinarasal sa araw na ito

ang kapayapaan laging sumaiyo;

nang nabubuhay ka ako ay nabigo

na maging masaya buhay mo sa mundo!

 

Ako’y maralita na naging mapalad

na ang iyong ganda nakamit ko agad;

ikaw ay inakit sa tula at kindat

na ang tanging yaman pangakong matapat!

 

At ngayong ngang ikaw ay nasa malayo

sana’y makasapit tapat na pangako;

kaya dasal na lang ang dala ng puso

saan ka man naroroon ay di maglililo!

Show comments