Babae, naglakad ng siyam na milya habang natutulog

MARAMI nang napabalita tungkol sa mga taong naglakad  habang natutulog. Pero hindi katulad nang nangyari kay Joy Grigg, 50 ng Northeast, Cornwall, England. Naglakad siya habang natutulog at umabot sa siyam na milya ang kanyang nalakbay bago natagpuan ng kanyang asawa at mga pulis. Mahigit isang araw at kalahati siyang nawala. Sobrang pag-aalala at tensiyon ang naranasan ng kanyang asawang si Richard, 53, nang mawala ang kanyang asawa habang natutulog.

Ayon kay Richard, ikalawang pagkakataon na umanong nawala si Joy habang natutulog. Noong una ay limang milya lamang ang nalakad nito at nagising lang dahil sa pagtunog ng cell phone nito.

Ngayon daw ay napakabilis nakalabas ng bahay ni Joy. Nagulat umano si Richard nang magising na wala na sa tabi ang asawa. Nagmamadali siyang bumangon. Halos nahuhulaan na niya kung bakit nawalang bigla ang kanyang asawa --- naglakad na naman ito habang mahimbing na natutulog.

At tama ang hula ni Richard. Nagdaan sa bintana ng kitchen si Joy. Masyadong malakas daw ang asawa sapagkat madali nitong nabuksan ang bintana.

Agad na nireport ni Richard sa mga pulis ang pangyayari at nagsagawa ng paghahanap. At natagpuan ito sa isang liblib na lugar siyam na milya ang layo sa kanilang bahay.

Dinala sa ospital si Joy at na-confine roon. Ayon kay Richard, umaasa siyang babalik din sa normal ang lahat. Pero ang pagkawala raw ni Joy ay nagdulot sa kanya ng takot.

 

Show comments