MANILA, Philippines – Ngayong araw, Nobyembre 30 ang simula nang paglilitis ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court sa The Hague na inaasahang tatagal hanggang Abril 2027.
Tanging si Duterte lamang ang nag-iisang akusado na nakakulong sa ICC bagaman at sinasabi ng prosekusyon na mayroon iba pang akusado sa kanyang kampanya laban sa madugong drug war.
Pinangalanan ng ICC prosecutors ang walong “co-perpetrators” na diumano’y tumulong kay Duterte sa kanyang kampanya laban sa ilegal na droga.
Kabilang sa walo ay sina Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na kasalukuyang nagtatago dahil sa warrant of arrest na ipinalabas ng ICC. Si Dela Rosa ay naging hepe ng Philippine National Police noong simulan ang madugong drug war.
Kasama rin sa co-perpetrators si Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go, dating Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, Oscar Albayalde na pumalit sa puwesto ni Dela Rosa sa PNP, retired police officer Vicente Danao, dating Davao police officer Isidro Lapeña, dating director ng National Bureau of Investigation Dante Gierran at ang namayapa ng dating PNP chief Camilo Cascolan.
Inaasahang babasahin kay Duterte ang mga kasong crimes against humanity na kinumpirma ng korte noong Abril 23. Hindi na kabilang sa babasahin ang mga partikular na insidenteng nakapaloob sa tatlong counts.
Sa kautusan ng ICC Trial Chamber III na may petsang Nobyembre 26, unang ilalahad ng prosekusyon ang kaso nito sa loob ng dalawang oras at 15 minuto, habang isang oras at 30 minuto naman ang inilaan sa mga kinatawan ng mga biktima.
Maglalaan naman ng isang oras para ilahad ng kampo ni Duterte ang depensa bago simulan ang testimonya ng unang testigo ng prosekusyon.
Magkakaroon ng apat na sesyon kada araw simula Nobyembre 30, mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-11:00 ng gabi, oras sa Pilipinas.
Ihihinto ang paglilitis sa Disyembre 18 para sa judicial recess.
Ang presentasyon ng ebidensiya ng prosekusyon at itinakda sa tatlong bahagi sa 2027: Enero 12 hanggang Pebrero 19, Marso 1 hanggang 24, at Abril 5 hanggang 30.