DOH, nagbabala sa paghalik sa labi ng mga sanggol

Upang ‘di mahawa ng pertussis...

MANILA, Philippines — Upang maiwasang mahawa ang mga sanggol ng sakit na pertussis ay nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko, partikular na ang mga magulang at mga guardians, laban sa paghalik sa labi ng kanilang mga sanggol.

Ayon kay DOH Undersecretary Eric Tayag, bukod sa pagpapabakuna, may iba pang mga pamamaraan upang maiwasang maihawa ng pertussis ang mga sanggol.

Kabilang na aniya dito ang pag-iwas sa paghalik sa kanilang labi lalo na kung may nararamdamang mga sintomas ng sakit.

Makakatulong rin aniya kung magsusuot ng mask at maghuhugas muna ng kamay bago kargahin o alagaan ang sanggol.

Ang pertussis, na isang nakahahawang bacterial respiratory infection, ay kilala rin sa tawag na whooping cough o ubong dalahit.

Maaari itong maihawa ng isang infected person sa pamamagitan ng pag-ubo o pagbahing.

Nagreresulta rin ito sa pagkakaroon ng influenza-like symptoms gaya ng bahagyang lagnat, sipon at ubo na tumatagal ng hanggang 10-araw.

Maaari ring makamatay ang pertussis lalo na sa mga sanggol, dahil maaari itong magdulot ng apnea o pagti­gil ng paghinga habang sila ay natutulog, hirap sa paghinga at pagsusuka.

Show comments