May sakit na inmates, posibleng mapalaya sa medical parole

MANILA, Philippines — Sa pamamagitan ng medical parole ay posible na umanong mapalaya ang mga persons deprived of liberty (PDLs) na dumaranas ng malalang karamdaman.

Sa paglulunsad ng Dagupan City Justice Zone kahapon, sinabi ni Department of Justice (DOJ) Undersecretary Raul Vazquez na bubuo sila ng technical working group (TWG) para dito.

Ang naturang TWG ay kinabibilangan umano ng mga kinatawan mula sa DOJ, Department of Health (DOH) at iba pang non-governmental organizations (NGOs).

Ipinaliwanag nito na may mga pagkakataon na kailangang alisin na sa piitan ang isang PDL dahil sa malalang karamdaman at ilipat ng pagamutan.

May mga sitwasyon din aniya na hindi pa nararapat sa executive clemency ang PDL kaya’t hindi pa ito maaaring palayain ngunit mayroon naman itong malalang sakit o may taning ang buhay kaya’t apli­kable sa kanila ang medical parole.

Ang Dagupan City Justice Zone ay pang-13 Justice zone na naitayo sa bansa. Ang iba pang justice zones ay nasa Quezon City, Cebu, Davao, Angeles, Bacolod, Naga, Calamba, Balanga, Baguio, Zamboanga, Tagaytay at Puerto Princesa.

Show comments