2 tinedyer todas sa pinaglaruang granada

MANILA, Philippines — Namatay habang ginagamot sa ospital ang tinedyer na lalaki habang isa ang nasugatan nang aksidenteng sumabog ang isang rifle grenade na kanilang pinaglaruan sa Inopacan, Leyte, kamakailan.

Kinilala ang mga nasawi na sina Robert Degorio, 16; at Alfred Alva, 18, habang sugatan si Gleen Miguel Accion, 19.

Sa imbestigasyon, alas-8:30 ng gabi nang mangyari ang aksidente sa bahay ng mga Degorio sa Sitio Tawid, Barangay Tinago, Inopacan, Leyte.

Ayon kay Inopacan police chief Police Capt. Daisy Hallasco, bigla na lamang nakarinig nang pagsabog ang mga kapitbahay ng biktima kaya agad silang tumawag ng pulis at dito ay nakita nilang duguan ang mga biktima.

Nabatid na tinawag ni Degorio ang kanyang mga ka­ibigan sa kanilang bahay upang ipakita ang rifle grenade.

Pilit na pinapasok ni Degorio ang rifle grenade sa PVC pipe upang gawing barrel.

Subalit, hindi magkasya ang rifle grenade sa PVC kaya pinukpok ito ni Degorio hanggang sa sumabog.

Iniimbestigahan pa ng mga pulis kung saan nakuha ni Degorio ang rifle grenade.

Show comments