Pinatay na Mindoro broadcaster, walang death threat

MANILA, Philippines — Walang natanggap na kahit anong banta sa buhay ang napatay na mamamahayag mula sa Calapan City, Oriental Mindoro.

Ito ang sinabi ni Oriental Mindoro Police Provincial Director PCol. Samuel Delorino kung saan sa pakikipag-usap umano nila sa pamilya ng biktimang si Cresenciano Bunduquin, 50 ay sinabi ng mga ito na wala namang natatanggap na banta sa buhay ang broadcaster.

Matatandaan na noong nakaraang linggo ay pinagbabaril si Bunduquin ng mga suspek na sakay ng motorsiklo sa tapat ng tindahan nito. Namatay ang isa sa dalawang suspek nang banggain ng sasakyang minamaneho ng anak ni Bunduquin ang motorsiklo ng mga ito.

Sa imbestigasyon, napag-alaman na sangkot sa illegal na droga ang napatay na suspek. - Ed Amoroso

Show comments