Badoy hiniling sa SC na parusahan
MANILA, Philippines — Naghain kahapon ng petisyon sa Supreme Court (SC) ang isang grupo ng mga abogado at law school dean upang hilingin na patawan ng indirect contempt si dating anti-insurgency task force spokesperson Lorraine Badoy dahil sa pag-red tag at pagbabanta sa buhay ni Judge Marlo Magdoza-Malagar.
Ang petisyon ay inihain nina dating Philippine Bar Association head Rico Domingo at Ateneo Human Rights Center executive director Ray Paolo Santiago. Kasama rin sa mga petitioner sina dating Dean Antonio La Viña at mga law school dean na sina Soledad Deriquito-Mawis, Anna Maria Abad at Rodel Taton.
Matatandaan na inakusahan ni Badoy si Judge Malagar na kaibigan at nag-aabogado sa Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA) matapos nitong ibasura ang proscription case para ideklarang terrorist group ang mga nasabing grupo. Nagkomento pa si Badoy sa Facebook ng scenario na ipapapatay niya ang judge dahil sa kanyang ‘political belief.’
Nag-umpisa na ang SC en banc noong Setyembre 27 ng kanilang ‘motu propio proceedings’ laban kay Badoy sa kaso na naka-docket bilang A.M. 22-09-16.
Ayon sa mga petitioner, dapat nang matuldukan ang ganitong kalakaran dahil inilalagay nito sa peligro ang buhay ng mga judge at mga taong nire-red tag ng mga kaalyado ng administrasyon.
- Latest