MANILA, Philippines — Inihayag ni Presidential spokesman Harry Roque, na pinayagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases na makalabas ng bahay ang mga 10 taong gulang hanggang 65 anyos sa mga lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ).
Pero, kailangang manatili sa kanilang mga bahay ang 10-anyos pababa at 65-anyos pataas.
Ang desisyon ng IATF ay dahil sa kahilingan ng Department of Trade and Industry (DTI) na pababain ang edad ng mga papayagang makalabas ng bahay para sumigla ang ekonomiya ng bansa.
Ang nasabing kautusan ay ipapatupad sa Pebrero 1,2021.
Habang hinikayat din ng IATF ang Local government units (LGUs) na nasa ilalim pa ng general community quarantine (GCQ) na sumunod sa nasabing panuntunan.
Inihayag naman ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na dapat sabayan ng mahigpit na pagsunod sa health protocol upang maiwasan ang peligro ng pagkakahawa o pagkalat ng COVID-19 sa bansa. - Ludy Bermudo