MANILA, Philippines — Mahigit 20,000 sundalo at pulis ang idedestino sa iba’t ibang lugar sa Mindanao upang magbantay sa pagdaraos ng plebisito para sa Bangsamoro Organic Law (BOL) na gaganapin sa Lunes.
Personal na pinangunahan nina AFP Chief of Staff Gen. Benjamin Madrigal Jr. at PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde ang send-off ng security forces para sa maayos at mapayapang plebisito sa BOL sa himpilan ng Army’s 6th Infanty Division (ID) sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Kapwa naman tiniyak nina Madrigal at Albayalde na nakahanda silang supilin sakaling manggulo ang mga spoilers sa BOL na bagaman walang direktang banta ay nakahanda sa lahat ng oras bunga na rin ng presensya ng mga teroristang grupo.
Patuloy ang pagpapaigting ng intelligence monitoring at target hardening measures kabilang dito ang mga checkpoints, Oplan Sita at police visibility.
Bantay sarado ang seguridad sa BOL dahilan sa presensya ng mga terorista na kinakanlong partikular na ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Dawlah Islamiyah terror group at Abu Torayfe group.