Rookie cop binoga ng landlord
MANILA, Philippines - Dahilan sa matinding selos, patay ang isang bagitong pulis-Maynila makaraang patraydor na pagbabarilin habang nakatalikod ng landlord sa inuupahan nitong boarding house sa Malate, Maynila kahapon ng madaling araw.
Anim na bala sa likod at katawan ang tumapos sa buhay ng biktimang si PO1 Alwin Kirk Gonzales, nakatalaga sa Station 9 ng Manila Police District at residente ng #143 A. Balagtas St., Malate, Maynila
Samantalang pinaghahanap naman ang tumakas na suspek na kinilalang si Eli Matthan Sumampong alyas Jonathan, 33, negosyante, residente ng No. 2909 City Land Tower I, Pablo Ocampo St. Malate, Maynila at may-ari ng inuupahang boarding house ng biktima.
Sa ulat ni PO3 Ryan Jay Balagtas, ng MPD-Homicide Section, dakong alas 2:30 ng madaling araw nang maganap ang pamamaril sa hallway papasok sa kuwarto ng biktima.
Sa imbestigasyon, ang biktima ay umawat lamang sa away ng suspek at dating kinakasama nito na si Girly Espinosa hanggang sa iwan na nito ang dalawa at nagpasiyang pumasok na sa kaniyang kuwarto subalit hindi niya alam na sinundan siya ng suspek at barilin ito habang nakatalikod.
Inaalam pa ang impormasyon kung may namamagitang selos sa suspek at biktima dahil naghihinala umano na karelasyon si Espinosa ng nasabing pulis kaya kinalasan ang negosyante.
- Latest