Kahit nililigawan ng ibang partido... VP Binay suportado ni Pacman

Eight-division boxing champion Emmanuel "Manny" Pacquiao. Philstar/file

MANILA, Philippines – Suportado ni Pambansang Kamao at Sarangani Rep. Manny “Pacman” Pacquiao ang kandidatura ni Vice President Jejomar Binay at nangako na hindi ito lilipat ng suporta kay DILG Sec. Mar Roxas.

Ito ang kinumpirma ni Buhay partylist Lito Atienza matapos na ihayag ni Yacap partylist Rep. Carol Jane Lopez na kinukumbinsi nila si Pacquiao na suportahan si Roxas sa halip na si Binay sa 2016  elections.

Si Lopez ay miyembro ng oposisyon o minorya sa Kamara, subalit isa ito sa lantarang nagpapakita ng pagsuporta kay Roxas sa darating na eleksyon.

Sinabi umano ni Lopez na matagal na nilang kinakausap si Pacquiao at kinukumbinsi na lumipat sa kampo ni Roxas.

Pero, iginiit ni Atienza na huwag basta maniniwala sa sinasabi ni Lopez dahil tumawag mismo sa kanya si Pacquiao at sinabing wala itong balak na lumipat ng partido.

Nilinaw din ni Pacquiao sa kanya na hindi siya babalimbing at pawang espekulasyon lamang ito ng mga partido para lumakas ang kanilang humihina ng laban sa 2016.

Alam umano ni Pacquiao ang paghihirap at sakripisyo ng taumba­yan sa ilalim ng Aquino government kaya hindi ito kailanman lilipat ng susuportahan.

Show comments