Konsehal pinatay sa resthouse

MANILA, Philippines – Natagpuang patay ang isang konsehal sa bayan ng Tanza, Cavite na may tama ng bala sa ulo at dibdib kahapon ng umaga malapit sa kanyang resthouse.

Kinilala ni Cavite Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Joel Estomo ang biktima na si Wilfredo Nuñez, 56-anyos, residente ng Brgy. Daang Amaya ng nasabing bayan.

Batay sa ulat, bandang alas-6:00 ng umaga kahapon nang madiskubre ang duguang bangkay ng biktima na nakahandusay may  20 metro ang layo sa rest house nito sa Chatue Subdivision, Brgy. Julugan 8 ng nasabing bayan.

Sa pahayag ng ilang testigo na dakong alas-8:00 ng gabi noong Biyernes huling nakitang buhay ang biktima na nagtungo sa kaniyang resthouse.

Subalit, kahapon ng madaling araw ay nagulantang na lamang ang mga residente malapit sa resthouseng biktima sa mga putok ng baril na kinatagpuan sa bangkay ng biktima.

Patuloy ang imbestigasyon sa kaso at motibo ng pagpatay sa biktima ng hindi pa kilalang mga suspek.

Show comments