2 bebot tepok sa salpok

MANILA, Philippines - Kapwa nasawi ang dalawang babaeng pasahero habang 12 iba pa ang nasugatan matapos na salpukin ng sinasakyan nilang pampasaherong jeep ang likuran ng  trailer truck sa  kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEX) sa Valenzuela City, kamakalawa.

Ang dalawang nasawi ay kinilalang sina Maridel Sarmiento, na nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan at  Susana Martinito, nasa hustong gulang.

Ang 12 nasugatan ay isinugod sa iba’t ibang pagamutan.

Pinipigil ng pulisya ang driver ng trailer truck na si Nicasio Gammad, at ang driver ng jeep na si Diego Hero­ngay, Sr.

Sa ulat, dakong alas-5:00 ng umaga ay kapwa binabagtas ang pampasaherong jeep at trak sa “northbound lane” ng NLEX sa may Km. 13.

Nasa lane 3 umano ng NLEX ang trak nang biglang bundulin ang likuran ng pampasaherong jeep na nawalan ng kontrol.

Sa lakas ng pagkakasalpok ay matinding pinsala ang natamo ng dalawang nasawi.

Kapwa kinasuhan ng pulisya ang dalawang driver ng two counts of homicide, multiple physical injuries, at damage to properties.

 

Show comments