5 kelot itinumba sa Batangas

File Photo

MANILA, Philippines - Pawang mga tama sa ulo ang natagpuang bangkay ng limang lalaki na inabandona sa loob ng isang owner type jeepney kahapon ng madaling-araw sa Laurel, Batangas.

Ang mga nasawi ay kinilalang sina Joebert Lincallo; Dante Mayuga; Manolito Cudra; Michael Palbacal  at Exequel Marimat; pawang residente ng Brgy. Luksuhin Ibaba, Alfonso, Cavite.

Sa ulat na nakara­ting kahapon sa Camp Crame, dakong alas-3:00 ng madaling-araw nang matagpuan ang bangkay ng mga biktima na pawang tadtad ng mga tama ng bala sa ulo sa loob ng isang owner type jeepney (DSL-353) sa liblib na lugar sa Brgy. Ticub sa nasabing bayan.

Nabatid na isang security guard na kinila­lang si Efren Dumpao, ng Laurel Municipal Hospital ang tumawag sa himpilan ng pulisya at iniulat ang nadiskubreng mga bangkay.

Ayon sa pamilya ng mga biktima ay may dala ang mga itong P50,00 cash na nawawala kaya lumutang ang anggulo na robbery/hold-up.

Ang mga biktima ay galing sa bayan ng Laurel at pauwi na sa Alfonso Cavite nang magyari ang krimen

 

Show comments