Batang Badjao pisak sa bus

MANILA, Philippines - Pisak ang ulo at katawan ng isang batang babae na umano ay Badjao matapos na masagasaan ng isang pampasaherong bus sa tapat ng Rizal Park kanto ng TM Kalaw at Taft Avenue kamakalawa ng hapon.

Hindi pa nakikilala ang bata na inilarawan ng pulisya na nasa pagitan ng edad 10-13, walang sapin sa paa, nakasuot ng kulay orange na t-shirt, gray na short pants, may hikaw at kuwintas at may hawak na sobre na may nakasulat na katagang “penge pong pambili ng pagkain.”

Ang  suspek  na nakasagasa na kasalukuyang  pinipigil ng Manila Traffic Bureau (MTB) ay kinila­lang si Daniel Manalo, 44-anyos, ng Calma, Laguna, driver ng Green Star bus (TYV-203).

Batay sa ulat, dakong alas-4:43  ng hapon nang masalpok ang bata ng  nasabing bus at nasagasaan pa.

Bago nangyari ang aksidente ay nakita pa ang bata na palipat-lipat ng mga dyip dahil sa namamalimos at malaki ang hinala ng pulisya na sa pagbaba ng bata ay posibleng hindi nakita ng bus driver kaya’t nasagasaan.

Ang suspek ay ipinagharap ng kasong reckless imprudence resulting to homicide.

 

Show comments