Van vs van: 3 patay, 10 sugatan

MANILA, Philippines - Patay ang tatlo katao habang sampu pa ang nasugatan makaraang magbanggaan ang dalawang van sa kahabaan ng national highway ng Brgy. Ugad, Tumauini, Isabela nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Danilo Pasicolan, 46 anyos, driver ng Nissan Homy van ng Reina Mercedes, Isabela at Thomas Malazzab, 39, driver naman ng Mitsubishi Delica van, residente ng bayang nabanggit. 

Ang isa pang nasawi ay pasahero naman ng van na minamaneho ni  Malazzab na hindi pa batid ang pangalan.

Ang mga nasugatan pasahero ay unang isinugod sa Tumauini District Hospital pero agad din inilipat sa Provincial Hospital ng lalawigan bunga ng tinamong malulubhang sugat sa katawan.

Ayon kay Isabela Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Sotero Ramos Jr., naitala ang sakuna sa kahabaan ng national highway ng nasabing barangay dakong alas-7:00 ng  gabi.

Sa imbestigasyon, sinabi ni Ramos na kasaluku­yang patungo sa Cabagan, Isabela ang Nissan Homy van habang patungo naman ang Mitsubishi Delica van sa kabayanan ng Tumauini nang mangyari ang banggaan ng dalawang behikulo sa lugar.

Sa lakas ng banggaan ay patay kaagad ang dala­wang driver at isang pasahero na naipit ang mga katawan sa unahan ng nayuping mga behikulo.

Isinasailalim pa ng mga awtoridad sa masusing imbestigasyon ang kasong ito.

Show comments