2 nakamotor napatay sa checkpoint

Ang bangkay ng dalawang holdaper na nakamotorsiklo matapos mapatay nang makipagbarilan sa mga pulis sa isang checkpoint kahapon sa kahabaan ng Jose Abad Santos Avenue kanto ng Bambang St., Tondo, Maynila.- Bening Batuigas-

MANILA, Philippines - Dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo ang nasawi matapos makipagbarilan sa mga pulis na nagbabantay sa isang checkpoint kahapon ng madaling-araw sa kanto ng Jose Abad Santos Avenue at Bambang St., Tondo, Maynila.

Inilarawan ng pulisya ang dalawang suspek na ang isa ay nasa edad 30,  may taas na 5’5”, katamtaman ang katawan,  kayumanggi ang balat, blonde ang maikling buhok, nakapulang t-shirt, itim na pantalon at pu­ting  tsinelas ang ikalawa naman ay nasa 30-anyos,  5’6” ang taas,  maliit ang katawan, kayumanggi ang balat, kulay-gold ang buhok, nakakulay na lavender t-shirt at itim na tsinelas.

Batay sa ulat, dakong  alas-12:15 ng madaling araw ay nagsasagawa ng checkpoint ang tropa ni MPD Station 2 commander P/Supt Ernesto Tendero sa naturang lugar nang dumaan ang kulay itim na motorsiklo na Mio na lulan ang dalawang suspek.

Pinahihinto umano ng grupo ni P/Sr. Insp. William Santos sa checkpoint  ang dalawa, subalit sa halip umanong tumigil ay tinakasan ang mga pulis kaya nagkaroon ng habulan.

Nang marating ng dalawang lalaki ang kanto ng Jose Abad Santos at Bambang ay natumba ang kanilang motorsiklo at sa halip na sumuko ay pinaputukan pa umano ang mga pulis kaya’t napilitan na gumanti at napatay ang dalawang suspek.

Show comments