Road Warriors puro na sa 1st round sweep

NLEX coach Jimmy Alapag
NLEX Facebook page

MANILA, Philippines — Namuro sa 1st-round sweep ang NLEX matapos gulungan ang Converge, 119-107, sa PBA Season 50 Governors’ Cup kahapon sa Smart-Araneta Coliseun.

Muntik tumirik sa daan ang Road Warriors subalit sumapat ang gasolina sa 4th quarter upang pigilan ang pambihirang balikwas ng FiberXers at mapanati­ling malinis ang kartada nito sa 13-team league.

Arangkada sa 5-0 sa Group A ang NLEX sa mando ni legendary player at bagong head coach na si Jimmy Alapag papasok sa bigating duwelo kontra sa reigning champion Talk ‘N Text sa Martes bilang hu­ling katapat nila sa 1st round ng two-round eliminations tampok ang Top 4 na makakapasok sa playoffs.

Pumukol ng 28 puntos at 9 rebounds ang import na si DeQuan Jones upang banderahan ang ratsada ng mga bataan ni Alapag na diniskaril din ang pagbabalik ni Jamaal Franklin para sa FiberXers kapalit si Jalen Hudson.

Nag-ambag ng 24 puntos, 6 rebounds at 5 assists ang Best Player of the Game na si Schonny Wins­ton habang may muntikang triple-double uli na 19 puntos, 9 rebounds at 10 assists si Robert Bolick.

Nakaagapay nila sina Anthony Semerad at Kevin Alas na may 15 at 14 puntos, ayon sa pagkakasunod.

“First of all, I give glory to God for putting me in position to coach this group,” ani Alapag na wala pang galos sa kanyang pagbabalik sa PBA subalit bilang head coach na matapos magsilbing assistant coach ng Sacramento Kings sa NBA.

Maliyab ang naging ratsada ng NLEX sa una subalit kinailangan pa ang 14-3 arangkada sa 4th quarter upang maipagpag ang Converge, na nakatabla sa kanila sa 88-88, pagkatapos ng 3 quarters.

Napurnada ang PBA return ni Franklin na umariba sa 26 puntos sahog pang 5 rebounds, 6 assists at 4 steals.

Show comments