Sotto sasalang sa Orlando training camp

Kai Sotto
STAR/ File

MANILA, Philippines — Sotto sasalang sa Orlando training camp Inaasahang dumating na si Kai Sotto ngayon sa Orlando sakto sa trai­ning camp ng Magic para sa 2023 NBA Summer League sa Hulyo 7 hanggang 17 sa Las Vegas, Nevada.

Magkakaroon ng isang araw na pahinga ang 7-foot-3 Filipino sensation bago sumalang sa Magic training camp bukas at inaasahan siya bilang isa sa sentro ng koponan.

Ayon sa 22-man line-up ng Orlando, bahagi si Sotto ng dalawang sentro lang ng koponan kaya llamado magkaroon ng mahabang playing time upang makapagpakitang-gilas.

Ang isa sa sentro ng Magic ay si 6-foot-11 Ro­bert Baker II na beterano na ng Osceola Magic na affiliate team ng Orlando sa NBA G League.

Makakasama ng 20-anyos na Pinoy sina Anthony Black at Jett Howard na pasok sa Top 15 picks ng katatapos lang na 2023 NBA Rookie Draft sa pangunguna ni No. 1 overall pick Victory Wenbanyama ng San Antonio Spurs.

Nakuha ng Magic bilang No. 6 pick si Black ng Arkansas habang No. 11 naman si Howard ng Michigan.

Noong nakaraang taon ay si No. 1 overall pick Paolo Banchero ang bumandera sa Summer League team ng Magic. Siya rin ang naging Rookie of the Year sa nakalipas na season.

Umaasa si Sotto na makapagpasiklab sa Summer  League para sa pangarap na maging unang Filipino homegrown player sa NBA matapos maging undrafted noong nakaraang Rookie Draft.

Show comments