Casugod papalo sa HD Spikers
MANILA, Philippines — Lalong nagpalakas ang Cignal HD Spikers para sa kampanya nito sa 2023 season ng Premier Volleyball League (PVL) na papalo sa susunod na linggo.
Hinugot ng HD Spikers si middle blocker Gen Casugod na inaasahang makakatulong sa ratsada ng Cignal sa All-Filipino Conference ng liga na magsisimula sa Pebrero 4 sa Smart Araneta Coliseum.
Galing si Casugod sa Akari Chargers kung saan isang taon din itong namalagi doon.
“Frontline help! The Iron Wall gets a power boost with Gen Casugod joining Team Awesome,” ayon sa post ng Cignal HD Spikers sa social media accounts nito.
Magiging reunion ito ng Far Eastern University players at coach dahil makakasama ni Casugod sa HD Spikers si dating FEU head coach Shaq Delos Santos.
Nasa HD Spikers din ang mga dating FEU players na sina FEU team captain Rachel Anne Daquis, playmaker Gel Cayuna, wing spiker Jerrili Malabanan, opposite hitter Chin Basas at setter Gyzelle Sy.
Kaya naman excited na si Casugod na makasama ang mga dating teammates nito sa FEU.
Malaki ang maitutulong ni Casugod sa front row ng HD Spikers kung saan makakatuwang nito sina middle blockers Ria Meneses at Roselyn Doria.
Nagtapos bilang runner-up ang HD Spikers sa PVL Reinforced Conference noong Disyembre.
- Latest