Gilas inilaglag ng Indonesia sa silver

Umeskapo si Gilas guard Matthew Wright sa depensa ng Indonesia sa kanilang gold medal match.

MANILA, Philippines — Nasibak sa trono ang Gilas Pilipinas men’s sa unang pagkakataon sa loob ng lagpas tatlong dekada habang nadepensahan ng Gilas women’s ang korona nito sa pagtatapos ng 31st Southeast Asian Games basketball competition kagabi sa Thanh Tri Gymnasium sa Hanoi, Vietnam.

Yukod ang Filipinos sa bagong kampeon na Indonesia, 85-81 habang naiuwi pa rin ng Filipinas ang gintong medalya kahit natalo kontra sa Malaysia sa huling duwelo nito, 96-93.

Naghari ang Gilas sa SEA Games simula 1989 tampok ang 18 na titulo kabilang na ang 13 sunod na gitong medalya bago maputol ngayon kontra sa palabang Indonesia sa pamumuno ni Marques Bolden.

Naglista ng 18 puntos at 10 rebounds na double-double si Bolden kabilang na ang pambaung free throws sa huling apat na segundo upang selyuhan ang unang SEA Games gold medal ng koponan.

Nakakuha siya ng suporta mula kina Abraham Grahita (17) at Derrick Xzavierro (14) pati na kina Brandon Jawato at Agassi Goantara na may tig-11 markers.

Para sa Gilas na hindi natalo sa SEA Games sa loob ng 33 taon, nasa­yang ang 23 at 20 mar­kers nina Matthew Wright at June Mar Fajardo, ayon sa pag­kakasunod.

Advertising
Scroll to continue

Bumida naman sa Gi­las women’s si Janine Pon­tejos na may 18 mar­kers kasama si Afril Bernardino na may 16 puntos, pitong rebounds, pitong steals at tatlong tapal.

Naglista rin ng 13 si Gabi Bade, may 12 si Ella Fajardo habang may tig-10 sina Chack Cabinbin at Angel Surada.

Nagtapos sa 4-1 kar­tada ang Pinay cagers na sapat pa rin sa gold dahil tinalo ang katablang Indonesia, 93-77, sa opener.

May 4-1 baraha din ang Indonesia.

Show comments