Kawhi, Williams bumida sa panalo ng Clippers vs Grizzlies
MEMPHIS, Tenn. — Humataw si Kawhi Leonard ng 30 points habang may 17 markers si Lou Williams para pamunuan ang Los Angeles Clippers sa 119-99 pagpulutan sa Grizzlies.
Nagdagdag sina Terance Mann, Nicolas Batum at Paul George ng tig-13 points para sa Clippers (24-11) na nauna nang nakatikim ng 94-122 kabiguan sa Grizzlies (14-15).
Sa Miami, tumipa si Jimmy Butler ng season-high 33 points habang nagtala si reserve Goran Dragic ng season-best 26 markers sa 124-116 panalo ng Heat (16-17) kontra sa NBA-leading Utah Jazz (26-7).
Sa Los Angeles, humakot si LeBron James ng 28 markers, 11 boards at 7 assists sa 102-93 pagwawagi ng nagdedepensang Lakers (23-11) sa Portland Trail Blazers (18-14).
Sa San Francisco, kumolekta si Draymond Green ng triple-double sa kanyang 11 points, 19 assists at 12 boards para ihatid ang Golden State Warriors (19-15) sa 130-121 panalo sa Charlotte Hornets (15-17).
Sa Boston, nagsalpak si Kemba Walker ng season-high 32 points para igiya ang Celtics (16-17) sa 118-112 pagdaig sa Indiana Pacers (15-16).
Sa Chicago, kumamada sina Devin Booker at Deandre Ayton ng tig-22 points para tulungan ang Phoenix Suns (21-11) sa 106-97 pagsunog sa Bulls (15-17).
Sa Oklahoma City, umiskor si Shai Gilgeous-Alexander ng 24 points para akayin ang Thunder (14-19) sa 118-109 paghuli sa Atlanta Hawks (14-19).
- Latest