Alaska sure na sa quarterfinals
MANILA, Philippines — Nakita ng Alaska kung paano nakabangon ang Columbian mula sa kanilang itinayong 20-point lead sa third period.
Mabuti na lamang at naroon si import Mike Harris para tulungan ang Aces na balasahin ang Dyip, 104-94 at makatiyak ng tiket sa quarterfinal round ng 2018 PBA Governor’s Cup kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Sumosyo ang Alaska sa Blackwater sa pangatlong puwesto sa magka-tulad nilang 6-2 baraha sa ilalim ng Magnolia (7-1), sumasakay sa five-game winning streak at nagdedepensang Barangay Ginebra (7-2).
Humakot si Harris ng 44 points at 27 rebounds para akayin ang Aces sa kanilang pagbangon mula sa naunang 73-83 pagyukod sa Hotshots at palakasin ang tsansa sa Top Four.
“Last game I was a little bit frustrated. I settled for some shots when I should have attack the basket,” sabi ni Harris na kumamada ng 25 markers at 14 boards sa 53-43 halftime lead ng Alaska. “I was able to get established early in the first quarter and my teammates kept finding me.”
Itinayo ng Aces ang nasabing 10-point lead sa first half bago ibinaon ang Dyip sa pamamagitan ng 20-point advantage, 81-61 sa 3:06 minuto ng third period.
Ngunit napababa ito ng Columbian, nalasap ang pang-siyam na sunod na kamalasan sa 86-93 mula sa dalawang free throws ni Jackson Corpus sa 5:27 minuto ng fourth quarter.
Kumamada sina Harris, Vic Manuel at Chris Banchero para muling ilayo ang Alaska sa 101-88 sa huling 1:52 minuto ng labanan.
Nagdagdag si Manuel ng 16 points kasunod ang tig-10 markers nina Banchero at JVee Casio, ayon sa pagkakasunod para sa Aces.
ALASKA 104 - Harris 44, Manuel 16, Banchero 10, Casio 10, Baclao 6, Thoss 6, Enciso 4, Exciminiano 4, Racal 2, Teng 2, Pascual 0.
Columbian 94 - Wright 19, Corpuz 19, King 14, Celda 11, Reyes 8, McCarthy 7, Lastimosa 6, Tubid 6, Khobuntin 2, Ababou 2, Escoto 0, Cabrera 0.
Quarterscores: 33-24; 53-43; 85-72; 104-94.
- Latest