CEBU, Philippines — Tinakasan ng San Juan Knights ang Caloocan, 81-77, para manatiling lider sa MPBL Datu Cup kamakalawa ng gabi sa Caloocan Sports Complex.
Ito ang ikaapat na sunod na panalo ng Knights, nakahugot kay Larry Rodriguez ng 15 points at 11 rebounds, habang nag-ambag si Samboy de Leon ng 12 markers.
Pinatumba naman ng Valenzuela Classic ang inaugural champion na Batangas City Athletics-Tanduay, 78-66, sa isa pang laro.
Ito ang unang panalo ng Classic kontra sa Athletics sa kanilang limang beses na paghaharap.
Sa nakaraang season ay winalis ng Batangas City ang Valenzuela papasok sa championship round.
“We tried to be quick, be more active on defense. We thought of nothing except Batangas City for the past eight days. Beating those guys was a remarkable feeling,” sabi ni Valenzuela coach Chris Gavina.
Umiskor si Chris de Chavez ng 22 points para pangunahan ang Classic, ginamit ang depensa para mapuwersa ang Athletics sa 22-of-68 fieldgoal shooting.
Pinamunuan ni Bong Galanza ang Batangas City mula sa kanyang 12 points, habang nalimitahan si Jhaymo Eguilos sa 8 markers.
Naging malamya ang outside shooting ng Athletics kung saan nagtala si guard Lester Alvarez ng 1-of-7 clip.