SHS-Ateneo, Hua Siong pasok sa national finals ng 32nd SBP-Passerelle

MANILA, Philippines — Umabante ang Sacred Heart School-Ateneo de Cebu at ang Hua Siong College ng Iloilo sa national finals matapos bumandera sa Visayas regional finals ng 32nd SBP-Passerelle twin tournament, ang pinakamatandang twin tournament sa bansa, na idinaos sa Iloilo Sports Complex.

Sa SBP division, pinadapa ng SHS-Ateneo ang St. John Institute of Bacolod, 57-43, sa finals, habang inangkin ng Hua Siong College ang third place trophy mula sa kanilang 52-37 panalo laban sa St. Mary’s Academy ng Capiz.

Kinopo naman ng Hua Siong College sa Passerelle ang regional championship title matapos pa­dapain ang Bacolod Tay Tung High School, 57- 53, samantalang tinalo ng University of St. Carlos ang Hercor College, 45-26, para sa ikatlong puwesto.

Ang iba pang regional play-off ay gagawin sa Pangasinan para sa Luzon at sa Nobyembre 11-12 sa Davao para sa Mindanao.

Ang SHS-Ateneo at Hua Siong College ang kakatawan sa Visayas para sa 32nd season ng SBP-Passerelle Twin Tournament national finals na nakatakda sa Disyembre 2 sa Cebu City.

Ibinibigay din ng twin-tournament ang Sportsmanship award sa mga karapat-dapat na paaralan hind lamang para sa husay ng kanilang mga players kundi para sa disiplina ng mga parents, coaches, school staff at guests na dumadalo sa event.

Ngayong taon ang award ay iginawad sa Bacolod Tay Yung High School sa Passerelle division at sa St. John’s Institute sa SBP division.

Inorganisa ng premier sports clinic na Basketball Efficiency Scientific Training (BEST) Center, ang 32nd SBP-Passerelle Twin Tournament ay suportado ng MILO katuwang ang Rain or Shine Elasto Paints, Chris Sports at SKLZ.

Ito ang nagiging torneo para sa mga under-15 at under-12 age groups na gamitin ang kanilang mga natutuhan sa nilahukang basketball training.

Ang BEST Center ay isang Hall of Famer ng Philippine Sportswriters Association (PSA) for Grassroots Development.

Ang grupo ang tanging corporate recipient ng Olympism Award mula sa Philippine Olympic Committee (POC).

Show comments