Magdedesisyon na si Pacquiao

MANILA, Philippines - Inaasahang gagawa ng desisyon si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao sa susunod na dalawang linggo para sa kanyang magi-ging pinakahuling laban bago magretiro.

Ang mga pagpipilian ni Pacquiao ay sina British star Amir Khan, welterweight titlist Timothy Bradley, Jr. at light welterweight king Terence Crawford.

Ayon kay Bob Arum ng Top Rank Promotions, ihahanda na niya ang fight tapes ng mga naging huling laban nina Khan, Bradley at Crawford para ipadala kay Pacquiao.

Mismong si Pacquiao ang pipili kung sino ang gusto niyang harapin para sa magi-ging pinakahuli niyang laban sa Abril 9, 2016.

Matagumpay na naidepensa ni Bradley ang kanyang hawak na World Boxing Organization welterweight belt laban kay Brandon Rios noong Linggo, habang napanatili ni Crawford na suot ang kanyang WBO light welterweight title matapos pabagsakin si Dierry Jean.

“Pacquiao will now review the tape of this fight (between Bradley and Rios), the tape of (Crawford’s fight), and he’ll make a decision,” wika ni Arum.

Ginulat ni Bradley si Pacquiao via split decision noong 2012 bago nakaganti si ‘Pacman’ sa kanilang rematch noong 2014.

Panonoorin din ni Pacquiao ang huling panalo ni Khan, dati niyang sparmate sa ilalim ni trainer Freddie Roach, laban kay Chris Algieri.

Tinalo din ng 5-foot-6 na si Pacquiao ang 5’11 na si Algieri noong 2013.

Sinabi ni Arum na si Pacquiao ang tanging gagawa ng desisyon para sa kanyang laban. (RC)

Show comments