Pacquiao-Algieri media tour ikinasa

MANILA, Philippines - Nagtakda na ng media tour ang Top Rank Promotions para sa cham-pionship fight nina world welterweight champion Manny Pacquiao at challenger Chris Algieri.

Inihayag ni Bob Arum ng Top Rank na sisimulan ang naturang media tour sa Agosto 25 sa Macau, China.

Mula dito ay dadalhin ang media tour nina Pacquiao at Algieri sa Shanghai, China at Taipei bago dumiretso sa United States.

Sa US ay bibisitahin ng delegasyon ang Los Angeles, San Francisco, New York at posibleng sa Las Vegas, Nevada.

Itataya ni Pacquiao (56-5-2, 38 knockouts) ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban kay Al-gieri (20-0-0, 8 KOs) sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.

Ito ang ikalawang pagkakataon na lalaban ang 35-anyos na si Pacquiao sa The Venetian sa Macau matapos bugbugin si Brandon ‘Bam Bam’ Rios sa kanilang non-title fight noong Nobyembre 24, 2013.

Ang 5-foot-10 na si Algieri, ang bagong WBO light welterweight king matapos agawin ang korona kay Ruslan Provodnikov, dating sparmate ng 5’6 na si Pacquiao.

Tampok sa undercard ng Pacquiao-Algieri bout si Luis Carlos Abregu (36-1-0, 29 KOs) na tinalo ni dating WBO welterweight titlist Timothy Bradley, Jr. (31-1-0, 12 KOs) noong 2010.

 

Show comments