2-0 sa san mig 0 tatabla ang ROS?

MANILA, Philippines - Ilang minutong nanatili sa basketball court si head coach Yeng Guiao at ang Rain or Shine matapos ang ‘no call’ sa pagkagat ni San Mig Coffee forward Marc Pingris sa fake ni guard Paul Lee bago ang pagtunog ng final buzzer sa Game One noong Martes.

“I just thought Paul got fouled on that last play,” protesta ni Guiao. “AZ Reid got the same call and they gave them three shot. That’s just too big a break to lose.”

Tinalo ng Mixers ang Elasto Painters, 104-101 sa Game One matapos bumangon mula sa 17-point deficit sa third period para kunin ang 1-0 abante sa kanilang best-of-five championship series para sa 2014 PBA Governors’ Cup.

Pipilitin ng Rain or Shine na makatabla sa San Mig Coffee sa Game Two ngayong alas-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Sinabi ni Guiao na mas magiging gitgitan ang kanilang serye.

“This is going to be a close series, close games. But if the referees don’t do their jobs as they’re supposed to, it really diminishes the beauty of the series,” wika ni Guiao.

Kumpiyansa naman si Mixers’ mentor Tim Cone na maipoposte nila ang malaking 2-0 bentahe sa serye para makalapit sa inaasam nilang PBA Grand Slam.

“We got to be ready. Our first group has to be ready and set the tone,” sabi ng 56-anyos na si Cone, hangad ang kanyang pang-18 PBA championship at maigiya ang San Mig Coffee sa PBA Grand Slam matapos magkampeon sa 2014 PBA Philippine Cup at Commissioner’s Cup.

Ang maalamat na Crispa ni coach Baby Dalupan ang unang nagtala ng Grand Slam noong 1976 season at muli itong nakamit ng Redmanizers noong 1983 sa ilalim ni mentor Tommy Manotoc tampok si “Black Superman” Billy Ray Bates bilang import.

Ang San Miguel Beer ni Norman Black ang kumuha ng ikatlong Grand Slam sa PBA noong 1989 kasunod ang Alaska sa ilalim ni Cone, noong 1996.

Show comments