NCAA Cheering Competition ngayon

MANILA, Philippines - Tangka ng University of Perpetual Help System Dalta na ipagpatuloy ang kanilang dominasyon sa Cheering Competition sa pagsasara ng NCAA Season 89 ngayon sa Mall of Asia (MOA) Arena sa Pasay City.

Magsisimula ang kompetisyon sa alas-12 ng tanghali kung saan pinapaborang manalo ang Altas Perps ng record na walong championship.

 Ngunit inaasahang magbibigay ng mahigpit na laban sa Perpetual Help ang Arellano University at Emilio Aguinaldo College na tumapos bilang second at third noong nakaraang season.

Ihahayag din ang general championship trophies sa pamamagitan ng formal announcement ng mga seniors at juniors division champions pagkatapos ng cheerleading competition.

Mahigpit na naglalaban ang season host College of Saint Benilde at defending champion San Beda para sa overall championship.

Ang Red Lions ang naghari sa nakaraang tatlong seasons habang ang Blazers ay umaasang mabawi ang  overall crown na huli nilang nakuha noong 2009.

 Ang Season 89 champion teams sa 12 sports sa pangunguna ng four-time titlist Red Lions sa senior’s basketball at three-time queens Perpetual Help sa women’s volleyball ay pararangalan din ng NCAA.

 Isasagawa naman ng St. Benilde ang formal turn over ceremony ng hosting chores sa Season 90 hosts Jose Rizal University.

 

Show comments