RP team pasok sa 2nd round

MANILA, Philippines - Umabante sa second round ang Philippine Davis Cup team sa Asia Oceania Zone Group II opening tie nang ibigay ni Treat Huey ang ikatlong panalo sa pa­mamagitan ng  2-6, 6-4, 6-4, 6-4 tagumpay laban kay Harshana Godamanna ng Sri Lanka kahapon sa Sri Lanka Tennis Association Courts, Colombo, Sri Lan­ka.

Ang panalo ni Huey  na pinalitan ang may injury na si Ruben Gonzales, ay para maipaghiganti rin ang 3-6, 7-6 (8), 6-4, 2-6, 3-6 pagkatalo ni Patrick John Tierro kay Godamanna sa opening singles.

Itinabla ni Ruben Gonzales ang labanan sa 1-1 sa 6-3, 6-3, 6-0 tagumpay kay Dineshkanthan sa ikalawang opening singles noong Biyernes bago ibinigay nina Gonzales at Huey ang 2-1 kalamangan sa 6-1, 6-0, 6-1 panalo sa tambalang Godamanna at Rajeev Rajapakse noong Sabado

Ang 3-1 tagumpay  ng Pilipinas ay  ika-walong panalo sa parehong bilang ng pagtutuos sa Davis Cup sa Sri Lanka at sunod na kakaharapin ng koponan ay ang mananalo sa pagitan ng Pakistan at Vietnam sa Abril 4 hanggang 6.

 

Show comments