Lady Rising Suns wagi sa Speed Boosters

MANILA, Philippines - Pinalawig ng Cagayan Valley ang pagdomina sa Philippine Super Liga nang kunin ang ikatlong su­nod na panalo, 25-16, 25-17, 27-29, 25-23, laban sa PLDT My-DSL kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Si Shiela Pineda ay nagtala ng 19 puntos at ang 17 dito ay sa atake, habang sina Sandra delos Santos at Joy Benito ay nagtala ng 18 at 13, ayon sa pagkakasunod,  pa­­ra sa Lady Ri­sing Suns.

“Nakikipag-cooperate sila lalo na sa training ka­ya madali sa amin na mag-improve,” sabi ni Ca­­gayan Valley head coach Nestor Pamilar.

Si Joy Cases na may 9 puntos ay nakatulong sa pagdepensa para mali­mitahan ang pambatong spiker ng Speed Boosters na si Angela Benting sa 10 hits.

Kinuha naman ng TMS-Army ang ikala­wang sunod na panalo nang pataubin ang Petron, 25-19, 25-15, 25-19.

May 9 kills, 2 aces at 1 block si Michelle Carolino, habang may 12 kills si Joanne Bunag para pamunuan Lady Troopers sa panalo sa larong tumagal ng 64 minuto.

Show comments