Nabuntis ng bf

Dear Vanezza,

Ako po si Marcel, 19, isang katulong. May boyfriend po ako. Family driver siya ng aming kapitbahay. Sa madalas naming pagdi-date sa motel, nabuntis niya ako. Tuwing Linggo ang off ko at ito ang pagkakataong mag-date kami. Dalawang buwan na po ang dinadala ko at nalaman ito ng aking amo. Maunawain naman po sila. Pero nang malaman ng bf ko ang aking kalagayan, ang gusto niya ay ipalaglag namin. Ayoko po. Gusto ko magpakasal kami pero ayaw niya. Hindi daw niya pananagutan ang bata. Ayoko pong magkasala. Pero tiyak na magagalit ang aking mga magulang sa probinsiya kapag nalaman nila. Ano po ang gagawin ko?

Dear Marcel,

Tama ang desisyon mo na huwag ipalaglag ang sanggol. Buhay ‘yan at ang pagkitil dito ay mortal na kasalanan. Kung ayaw panagutan ng nobyo mo ang bata, panindigan mo ang pagiging ina ng iyong baby. Ipagtapat mo rin sa iyong mga magulang ang nangyari. Kung natatakot ka, puwede mong pakiusapan ang iyong amo na samahan ka sa pagsasabi sa iyong magulang. Normal lang na kagalitan ka nila dahil mali ang iyong ginawa. Nagkamali ka at dapat mong harapin ang bunga ng iyong pagkakamali sa paraang tama at matuwid. Ngayong nakita mo ang tunay na pagkatao ng nobyo mo, kalimutan mo na siya. Hindi siya karapat-dapat sa pagmamahal mo.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments