Baka makalimot si misis sa abroad

Dear Vanezza,

Ako po si Boy ng Mandaluyong. Nagtatrabaho po sa abroad ang misis ko bilang DH. Nanga­ngamba kasi ako sa mga naririnig ko na may mga DH na kahit may asawa na rito sa Pilipinas ay nakikipag-bf pa rin pagdating sa bansang kanilang pinagtatrabahuhan. Matagal na po siya doon at nagbakasyon lang dito sa Pilipinas tapos bumalik na uli sa abroad.  Hindi ko maalis sa a­king isipan ang maghinala kaya po ako sumulat. Paano po kaya mawawala ang pangamba ko?

Dear Boy,

Alisin mo ang pangamba sa sarili at pagtiwalaan ang iyong misis. Wala naman sigurong mabigat na dahilan para ka niya pagtaksilan o palitan. Maaring totoo na may ilang nagtatrabaho sa abroad ang “nakakalimot” at pumapatol sa iba pero unfair sa iyong misis na ibilang mo siya sa mga ito. Nagtitiis ang asawa mo na malayo sa kanyang pamilya kapalit ng maginhawang buhay at kung pagdududahan mo ang kanyang katapatan ay mababalewala lahat ng kanyang pagsasakripisyo. Gawin mong regular ang inyong komunikasyon upang mas tumibay ang inyong relasyon. Makakabawas din ito ng kanyang homesick at magpapa-inspire sa kanya trabaho.

Sumasaiyo,

Vanezza

 

Show comments