Mga taong parol, may laban sa It’s Showtime

MANILA, Philippines – Pasikatan naman ngayon sa husay sa pagdidi­sensyo at pagiging maparaan sa paggawa ng parol ang hamon sa madlang people ng It’s Showtime sa bagong segment nitong TV Parol, ang maagang handog ng programa para sa Kapaskuhan.

Iba-ibang taong parol araw-araw ang ipapakita at magsasama-sama ang mga ito tuwing Sabado kung saan dalawa ang mananalo ng tig-P30,000.

Bukod sa creative design, kailangan ding gamitan ng hindi pangkaraniwang materyal o recycled items ang parol at dapat na nasusuot o nakakagalaw pa rin ang taong nakasuot nito. Sa ngayon, naitampok na sa segment ang isang parol na gawa sa compact discs, magazines, at lalagyan ng itlog, at isa pang gawa naman sa tira-tira at sira-sirang electronic at computer parts.

Sa mga gustong sumali sa TV Parol, dalhin lang ang parol sa ABS-CBN Audience Entrance mula Lunes hanggang Biyernes mula 3:00 hanggang 5:00 p.m., magdala ng valid ID, at hanapin si Danjosh Zacarias o Bing Ramos.

Makisaya sa buong barkada ng It’s Showtime, 12:15 p.m. mula Lunes hanggang Biyernes at 12 n.n. tuwing Sabado sa ABS-CBN.

Show comments