Maid of Honor (125)
“INAH, sandali!’’ tawag ni Rocky nang akmang magdadaan sa bintana ng waiting lounge si Inah.
Pero desidido si Inah na takasan si Rocky dahil malakas ang kutob niyang papatayin siya nito. Malaki ang hinala niyang kasabwat si Rocky ng sindikato ng white slavery na ang front ay POGO.
“Inah, hindi ako kalaban! Huwag kang matakot!’’
Natigilan si Inah.
Totoo kaya ang sinabi ni Rocky?
O gusto lamang siyang lansihin nito?
At bakit narito siya gayung ang balita ay napatay ng sindikato?
Nakapagdududa!
“Ipaliliwanag ko ang lahat, Inah. Makinig ka muna. Nangyari ang lahat para maprotektahan ka.’’
Nag-isip si Inah. Totoo kaya ang sinasabi ni Rocky?
“Mag-usap tayo, Inah.’’
“Hindi mo ako papatayin?” tanong ni Inah.
Nagtawa si Rocky.
“Ba’t kita papatayin?”
“Kasi kakutsaba ka ng sindikato.’’
“Hindi. Halika dun tayo sa restaurant ng ospital mag-usap. Alam kong nagugutom ka.’’
Tinignan nang tuwid ni Inah si Rocky.
Pagkaraan ay sumama na siya rito patungo sa restaurant na nasa basement ng ospital.
(Itutuloy)
- Latest