DQ case vs Marcos, ibinasura ng SC
MANILA, Philippines — Wala nang balakid sa pag-upo bilang ika-17 pangulo ng Pilipinas si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Hunyo 30, matapos ibasura ng Supreme Court ang mga isinampang petition dito.
Sa botong 13-0, ibinasura ng SC en banc ang petisyon kontra sa kautusan ng Commission on Elections (Comelec) na ibasura ang petisyon sa Certificate of Candidacy ni Marcos at isa pang petisyon na humihiling naman na idiskuwalipika siya.
“The Court held that in the exercise of its power to decide the present controversy led them to no other conclusion but that respondent Marcos Jr. is qualified to run for and be elected to public office. Likewise, his COC, being valid and in accord with the pertinent law, was rightfully upheld by the Comelec,” ayon sa pahayag ng SC Public Information Office.
Ipinonente ni Associate Justice Rodil Zalameda ang kautusan, ngunit hindi pa naisasapubliko ang kopya ng desisyon. Nabatid na hindi lumahok sa desisyon sina Associate Justices Henri Jean Paul Inting at Antonio Kho Jr.
Ibinaba ng SC ang desisyon may dalawang araw bago ang inagurasyon ni Marcos sa darating na Hunyo 30 sa National Museum sa Maynila.
Sa komento ng panig ni Marcos na humihiling sa pagdismis sa mga petisyon, hiniling nila na protektahan ng SC ang kalayaang mamili ng mamamayang Filipino ng kanilang presidente na si Marcos Jr.
Ikinatwiran din nila na ang kakulangan sa merito ng mga petisyon at bukod pa dito ang pagsasagawa na ng Kongreso ng pag-canvass sa mga Certificates of Canvass at pagproklama na kay Marcos na nanalong pangulo.
- Latest