Lady Tams vs Lady Blazers sa V-League Finals
MANILA, Philippines — Sinibak ng Far Eastern University ang University of Perpetual Help System DALTA, 25-16, 25-20, 25-17, sa ‘winner-take-all’ Game Three ng kanilang semifinals duel patungo sa women’s division finals ng 2023 V-League Collegiate Challenge kahapon sa Paco Arena sa Manila.
Kumamada si Chenie Tagaod ng 17 markers tampok ang 16 attack points para sa 2-1 pagtiklop ng Lady Tamaraws sa kanilang duwelo ng Lady Altas.
Haharapin ng FEU ang College of St. Benilde sa best-of-three championship series na hahataw sa Miyerkules sa parehong venue.
Nagmula ang Lady Tams sa 23-25, 25-23, 25-17, 25-13 panalo sa Lady Altas sa Game Two noong Biyernes para humirit ng ‘do-or-die’ Game Three.
Ang mala-pader na depensa ang naging susi sa pagpapatalsik ng FEU sa Perpetual kung saan nagtala ang tropa ni coach Manolo Refugia ng 12 blocks kasama ang lima ni Mitzi Panangin.
Walang Lady Altas player ang nagposte ng double figures kung saan nalimitahan si Mary Rhose Dapol sa siyam na marka.
- Latest