Ginebra pasok sa finals
MANILA, Philippines — Ilang beses nang ipinakita ng Barangay Ginebra ang kanilang bantog na ‘never-say-die’ spirit.
At kahapon ay muli itong ginamit ng Gin Kings para makabangon mula sa 18-point deficit sa third period at balikan ang San Miguel Beermen, 87-85, sa Game Three ng 2023 PBA Governors’ Cup semifinal series sa Smart Araneta Coliseum.
Winalis ng Ginebra ang kanilang best-of-five semis duel ng SMB sa 3-0 papasok sa ikalawang sunod na PBA Finals stint.
Humakot si import Justin Brownlee ng 22 points, 14 rebounds at 4 assists at nagposte si Christian Standhardinger ng 17 boards at 14 points.
Ang three-point shot ni Marcio Lassiter ang nagbigay sa Beermen ng 62-44 kalamangan sa 6:59 minuto ng third quarter.
Ngunit hindi sumuko ang Gin Kings at unti-unting nakalapit hanggang maagaw ang 83-82 abante sa 1:51 minuto ng final canto mula sa triple ni rookie Jeremiah Gray.
Ang pull-up jumper ni Brownlee ang nagtaas sa Ginebra sa 85-82 sa huling 39 segundo kasunod ang tres ni Lassiter para itabla ang SMB sa 85-85 sa nalalabing 26 segundo.
Sumalaksak si Brownlee laban kay Clark, habang iniwan ni Moala Tautuaa si Standhardinger na nagresulta sa basket ng Fil-German para sa 87-85 bentahe ng Gin Kings sa natitirang tatlong segundo.
“He is going out there to make the winning play,” ani head coach Tim Cone kay Brownlee. “That is what makes him special.”
Tumalbog naman ang jumper ni Lassiter sa huling posesyon ng Beermen.
Sa ikalawang laro, inagaw ng TNT Tropang Giga ang 2-1 lead sa kanilang semis wars ng Meralco matapos angkinin ang 99-80 panalo sa Game Three.
Kumolekta si import Rondae Hollis-Jefferson ng 40 points para sa Tropang Giga, habang may 29 markers si Mikey Williams tampok ang anim na tres.
Tumipa si reinforcement KJ McDaniels ng 30 points sa panig ng Bolts.
- Latest