Meralco nagmartsa sa quarterfinals
MANILA, Philippines — Sa araw na nakamit ng Meralco ang inaasam na quarterfinals ticket ay pumanaw naman ang ina ni head coach Norman Black sa America.
Kumonekta sina Allein Maliksi at Aaron Black ng krusyal na three-point shots para sa 89-86 pagtakas ng Bolts sa San Miguel Beermen sa 2022 PBA Philippine Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
“We’re all playing for coach. He means a lot to our organization,” sabi ni interim coach Luigi Trillo kay Black na kasalukuyang nasa America. “It’s a good win for him.”
Ang 6-4 baraha ng Meralco ang nagpasok sa kanila sa quarterfinals kung saan No. 1 team ang San Miguel (9-2) tangan ang ‘twice-to-beat’ advantage laban sa No. 8 squad.
Tinapos rin ng Bolts ang six-game winning streak ng Beermen.
Umiskor si Maliksi ng 18 points tampok ang apat na triples para sa Meralco at may 16 at 15 markers sina Chris Newsome at Black, ayon sa pagkakasunod.
Kumamada si six-time PBA MVP June Mar Fajardo ng 21 points, 12 rebounds at 3 assists sa panig ng San Miguel.
Matapos ang split ni Vic Manuel na nagbigay sa Beeremen ng 83-82 abante sa huling 1:35 minuto sa fourth period ay nagsalpak si Maliksi ng tres para sa 85-83 bentahe ng Bolts sa 1:21 minuto nito.
Ang mintis na layup ni Manuel sa posesyon ng San Miguel ang nagresulta sa triple ni Black na naglayo sa Meralco sa 88-83.
Inilapit ni CJ Perez ang Beermen sa kanyang triple.
- Latest