Harden binuhat ang 76ers sa 2-2 tabla vs Heat
PHILADELPHIA - Nagsumite si James Harden ng 31 points, 9 assists at 7 rebounds para sa 116-108 pagsagasa ng 76ers sa Miami Heat sa Game Four ng kanilang Eastern Conference semifinal series.
Humakot si Joel Embiid ng 24 points at 11 rebounds para itabla ang Philadelphia sa 2-2 sa kanilang semis duel ng Miami.
Kinuha ng Heat ang 2-0 abante kung saan hindi nakalaro si Embiid para sa 76ers dahil sa kanyang right orbital fracture at mild concussion.
Magtutungo ang Philadelphia sa Miami para sa Game Five na babasag sa kanilang pagkakatabla sa serye.
Ang step-back three-point shot ni Harden ang nagbigay sa 76ers ng 114-103 abante sa huling dalawang minuto ng fourth period.
Nagpasabog si Jimmy Butler ng 40 points mula sa 13-of-20 fieldgoal shooting at 12-of-13 clip sa free throw line sa panig ng Heat.
Sa Dallas, naglista si Luka Doncic ng 26 points, 11 assists at 7 rebounds sa 111-101 pagdaig ng Mavericks sa Phoenix Suns sa Game Four ng kanilang Western Conference semifinals wars.
Sinamantala ng Dallas ang pagkakalagay ni Phoenix veteran guard Chris Paul sa foul trouble sa first half para itabla ang kanilang duwelo sa 2-2.
Kumonekta ang Mavericks ng 20 triples para sa kanilang ikalawang sunod na ratsada sa serye matapos maiwanan sa 0-2.
Dadayong muli ang Dallas sa Phoenix para sa Game Five.
Umiskor si Devin Booker ng 35 points para sa Suns na nakahugot kay Jae Crowder ng 15 markers habang nagtala si Deandre Ayton ng 14 points at 11 rebounds.
- Latest