Obiena solid Pinoy athlete!
Hindi tatalikuran ang Pilipinas
MANILA, Philippines — Walang balak magpalit ng nationality si Olympian Ernest John Obiena sa kabila ng pakikipagbakbakan nito sa Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA).
Nanindigan si Obiena na mananatili ang pagiging pusong Pilipino sa kanya dahil mas nanaisin nitong manalo ng medalya bitbit ang bandila ng Pilipinas.
“Even now, in this current crisis, I have no desire to change nations. I see these statements on social media and active encouragement to switch allegiances,” ani Obiena.
Wala itong balak na lumipat ng federation gaya ng ginawa ng iba.
“But this is not who I am and why I do this. I want to win for Philippines and show the world what we can do. I want to win for us,” dagdag ni Obiena.
Nauna nang inihayag ni James Lafferty, ang itinalagang spokesperson ni Obiena, na may ilang bansa ang nagpahayag ng interest na “ampunin” ang Pinoy pole vaulter.
Subalit hindi ito kinagat ni Obiena.
Sa halip, matatag nitong inihayag na hindi matutumbasan ng anumang bagay ang makapagbigay ng karangalan sa bansa.
“Mr. Lafferty and I always agreed loyalty matters. I therefore said ‘no’ several years ago. I love my country. I am proud to compete for the flag of the Philippines. I get chills every time I hear our anthem played and to watch that flag rise high,” kuwento pa ni Obiena.
Muling iginiit ni Obiena na hindi nito iiwan ang Pilipinas kapalit ng pera.
Nagbigay ng deadline ang Philippine Sports Commission (PSC) hanggang Disyembre 15 upang ayusin ang gusot sa pagitan ni Obiena at ng PATAFA.
Nagsimula ang lahat ng imbestigahan si EJ dahil sa isyu sa suweldo ng kanyang foreign coach na si Ukrainian Vitaly Petrov.
- Latest