Pinoy 3x3 mapapalaban sa World Masters
MANILA, Philippines — Sasalang na ngayong araw ang 3x3 Manila sa pagsisimula ng prestihiyosong 2021 FIBA 3X3 World Tour Abu Dhabi Masters sa Abu Dhabi, United Arab Emirates.
Ipaparada ng 3x3 Manila sina 6-foot-6 Cameroonian Mike Nzeusseu, Chico Lanete, Mac Tallo at Zach Huang.
Pasok sa Pool D ang 3x3 Manila kung saan mapapalaban ito sa matitikas na tropa ng world No. 4 Liman ng Serbia at Amsterdam Talent and Pro ng Netherlands.
Unang makakasagupa ng Pinoy cagers ang Liman sa alas-10:20 ng gabi (oras sa Maynila) kasunod ang Amsterda sa alas-2:45 ng madaling araw sa Sabado.
Hahawakan ang tropa ni 3x3 Manila head coach Aldin Ayo na optimistiko sa magiging kampanya ng kanyang tropa na aasa kay Nzeusseu.
Gayunpaman, posibleng hindi makapaglaro ng todo si Nzeusseu lalo pa’t nagtamo ito ng injury sa kaliwang kamay sa national 3x3 event noong nakaraang linggo.
Kasama naman ng 3x3 Manila si Mark Yee bilang reserve at handang pumalit sakaling may ma-injure sa koponan.
Mapapalaban agad ang 3x3 Manila dahil pamumunuan ang Liman nina 6-foot-6 Mihailo Vasic, 6-foot-4 Aleksandar Ratkov, 6-foot-6 Stefan Kojic at 6-foot-0 Nebojsa Kilijan. (Chris Co)
- Latest