Casimero mapapalaban na kay Rigondeaux
MANILA, Philippines — Asahan ang mabagsik na John Riel Casimero sa oras na depensahan nito ang kanyang World Boxing Organization (WBO) bantamweight title laban kay Cuban pug Guillermo Rigondeaux ngayong araw sa Dignity Health Sports Park sa Carson, California.
Mataas ang moral ni Casimero na matagumpay nitong madedepensahan ang titulo.
Desidido ang pambato ng Ormoc na maitarak ang matikas na panalo dahil ito ang magbubukas ng pintuan para sa posibleng laban kina Nonito Donaire Jr. at Naoya Inoue.
Pasok na pasok sa timbang ang dalawang boxers kung saan may bigat na 118 pounds si Casimero habang tumimbang ng 117.5 pounds si Rigondeaux.
Kasado na ang game plan ni Casimero para kay Rigondeaux ngunit hindi na nito idinetalye pa ang kanyang magiging taktika sa laban.
Nauna nang inihayag ni Casimero na patutumbahin nito si Rigondeaux sa loob ng tatlong rounds.
“I know how to manage my game plan against Rigondeaux but I’ll leave it as a surprise for him. Let’s see what happens. I’m not so much into the talking,” ani Casimero.
Ngunit hindi pwedeng magpakampante si Casimero dahil ibubuhos ni Rigondeaux ang lahat para maagaw ang titulo ng Pinoy champion.
Hindi na bago si Rigondeaux sa estilo ng mga Pinoy boxers.
Nakasagupa na nito sina Donaire at Drian Francisco na parehong naganap noong 2015 at parehong napanalunan ng Cuban via unanimous decision.
“Casimero is going to be the third Filipino that I’m going to take down. Everyone is going to see what I’m about. I don’t have to tell anyone what’s going to happen now, you’re going to see it all in the ring,” ani Rigondeaux.
Hindi rin nasisindak si Rigondeaux sa mga patutsada ni Casimero.
Magkakaalaman na lang sa ibabaw ng ring kung saan isang halimaw na boxer ang ipinangakong ilalabas ng Cuban pug.
- Latest