Minalas din ang Philippine rowers
MANILA, Philippines — Minalas din ang isa pang grupo ng mga national athletes na makakuha ng Olympic Games berth.
Hindi nakapasok sa top three ng kani-kanilang events sina 2019 Southeast Asian Games gold me-dalists Melcah Jen Caballero at Joanie Delgaco, Zuriel Sumintac, Roque Abala at Cris Nievarez sa 2021 World Rowing Asian-Oceanian Olympic Qualification Regatta sa Tokyo Bay.
Tumapos sina Caballero at Delgaco sa ikatlong puwesto sa repechage makaraang magtala ng 8:14.30 sa women’s double sculls event at pumang-apat sina Abala at Sumintac sa oras na 7:39.35 sa men’s double sculls category.
Kabiguan din ang nalasap ni Nievarez nang tumapos na pang-lima sa semifinals ng men’s single sculls sa inilistang 7:28.84.
Nakatakda ang 2021 Olympics sa Tokyo, Japan sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8.
Si Benjamin Tolentino ang pinakahuling Pinoy rower na nakapaglaro sa Olympics noong 2000 edition sa Sydney, Australia.
Kamakailan ay nabigo rin ang five-man national fencing team na makakuha ng Olympic slot sa sinalihang Asian Olympic qualifying tournament sa Tashkent, Uzbekistan.
- Latest