National fencing team sasabak sa Olympic qualifying sa Uzbekistan
MANILA, Philippines — Umaasa ang Philippine fencing team na makakabiyahe sila sa Abril patungo sa Uzbekistan para sumabak sa qualifying tournament ng 2021 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
Sumulat na si Philippine Fencing Association (PFA) president at Ormoc City Mayor Richard Gomez kay Philippine Sports Commission (PSC) chairman William ‘Butch’ Ramirez.
Lalahok ang mga national fencers sa Olympic Qualifying Tournament sa Abril 26 at 27 sa Uzbekistan kung saan ang mananalo lamang sa bawat kategorya ang makakakuha ng Olympic ticket sa Asian region.
Sa ibang kontinente ay ginamit ng International Fencing Federation ang world rankings para sa pagbibigay ng Olympic berth.
Bilang preparasyon sa Olympic qualifying ay ipinasok ni Gomez ang mga national fencers sa isang ‘bubble’ training sa Ormoc City.
Aasinta ng Olympic slot sina national fencers Jylyn Nicanor at CJ Concepcion sa sabre event, Hanniel Abella at Noelito Jose sa epee at Nathaniel Perez at Samantha Catantan sa foil.
Naglalaro ang 19-anyos na si Catantan, bronze medalist sa women’s individual foil noong 2019 Southeast Asian Games, para sa Penn State University sa US NCAA Tournament.
Si Nicanor ang kumuha ng gold medal sa individual women’s sabre ng 2019 SEA Games at naging bahagi si Abella ng gold medal winning team sa women’s epee.
- Latest